Love is patient, love is kind. It does not envy, it does not boast, it is not proud. It is not rude, it is not self-seeking, it is not easily angered, it keeps no record of wrongs. Love does not delight in evil but rejoices with the truth. It always protects, always trusts, always hopes, always perseveres. Love never fails."
1 Cor. 13: 4-8
Mahirap magmahal. Masakit. Magulo. Nakakatanda. Nakakairita. Nakakasira ng pagkakaibigan. Nakakalito. Nakapagtataka.
Iilan lamang yan sa mga madalas nating marinig na reklamo patungkol sa pag-ibig. Kung iisipin mo nga naman, maaaring totoo ang mga salitang ito. Maaaring ang pag-ibig ay masakit at magulo. Maaaring ito'y nakakasira ng samahan, maaaring ito'y nakakalito at tunay ngang ito'y isang palaisipan. Ngunit, hindi ba natin naiisip na ang tunay na pag-ibig ay hindi dapat masakit at mahirap. Dahil ang tunay na pag-ibig ay dapat na nagdadala sa atin ng kasiyahan at hinding hindi tayo dadalin kailanman sa kapahamakan.
Noong bata pa lamang ako, ang konsepto ko ng pag-ibig ay napakakitid. Ang alam ko lang, pag-ibig na kapag kinikilig ako at kapag humahanga ako. Ang alam ko lang, kapag parang bumabaligtad ang sikmura ko at bumibilis ang tibok ng puso ko, umiibig na ako. PERO HINDI PALA. Hindi pala iyon ang tunay na pag-ibig.
Naging mapusok ako sa paghahanap ng tunay na pagmamahal. Umasa na sa murang edad ay mahahanap ko iyon. Sabi nga sa Florante at Laura, hahamakin ang lahat masunod ka lamang. Totoo, at hindi naging madali ang aking paglalakbay. Ang aming paglalakbay ni Noel. Marami kaming sinuway na tao, maraming nasaktan, maraming nagalit. Pero dahil sa alam kong nagmamahal ako, wala akong pakialam. Kahit alam kong umiiyak at nasasaktan ang nanay ko sa mga pinaggagagawa ko, tinuloy ko ang aming relasyon. Kahit na nagkasira-sira kami ng mga kaibigan ko, tinuloy ko. Ganyan ako mag-isip... NOONG BATA PA AKO.
Kanina, habang nakikinig ako sa sermon ng pastor namin, hindi ko mapigilang maiyak at mag-isip. Napaka-makasarili ko pala. Minamahal ko lang ang sarili ko at hindi ko naisip na dapat mas minahal ko muna ang pamilya ko at higit sa lahat ang Diyos bago ako naghanap ng taong magmamahal sa akin.
Ngayon, masasasabi ko na sa sarili ko na natuto na ko. Ngayon, kaya ko ng ipagmalaki na ang taong pinili kong mahalin nung labing-limang gulang palang ako, ay siya paring taong pinili kong mahalin ngayon. Mahirap at magulo man ang aming pinagdaanan sa loob ng pitong taon, sa kabila ng aking pagiging pasaway, ginabayan at iningitan parin kami ng Maykapal.
Kaya sa araw ng mga puso, gusto ko lang ilahad sa lahat ng makakabasa nito na huwag tayong sumuko. Ang pag-ibig ay hindi sumusuko at ito ay patuloy na nakikipaglaban para sa katotohanan. Sa mga kabataan, huwag tayong magmadali. Huwag nating isipin na dahil ang lahat ay may kasintahan ay kailangan niyo naring magkaroon ng isa. Masarap mabuhay. Masarap magmahal. At ang pag-ibig na ito ay hindi lamang para sa kasintahan, bakit hindi nalang natin pagtuunan ng pansin ang ating mga magulang, ang ating mga kapatid, ang ating mga kaibigan at higit sa lahat ang ating Diyos? May iba't ibang mukha ang pag-ibig. Huwag tayong mag-ubos ng oras sa isang mukha lang. Maraming tao na naghahanap at nangangailangan ng ating pagmamahal at pag-aaruga. Mahalin natin sila habang sila'y andyan pa. Lalo't higit ang ating pamilya.
Sa huli, tayo'y patuloy na mangarap. Patuloy na magpasalamat sa lahat ng mga biyaya mula sa Maykapal. Patuloy na makipagsapalaran sa buhay. At patuloy na umibig.
Tandaan: ang araw ng mga puso ay hindi lamang ipinagdiriwang kada Pebrero 14 kundi sa lahat ng araw na dadaan sa ating buhay. :)
** Salamat Noel sa lahat ng araw na ikaw ang kasama ko. Salamat sa lahat ng masasayang araw na magkasama tayo. Salamat at kahit matigas ang ulo ko at madali akong nagagalit, minamahal at iniintindi mo parin ako. Mahal na mahal kita. Nang dahil sayo, alam ko na ngayon kung ano ang tunay na kahulugan ng salitang pagmamahal. :) **
"...And now these three remain: faith, hope and love. But the greatest of these is love." 1 Cor. 13:13
No comments:
Post a Comment