Puppy love. Young love. First love.
Nakakatawang isipin at balikan ang alaala ng unang pag-ibig. Ewan ko nga ba kung bakit pero may kakaibang saya at kilig ang dinadala nito kapag naaalala mo. Sabi nga nila, first love never dies. Para sa akin totoo ito, hindi man kami nagkatuluyan, hanggang ngayon, minamahal ko parin siya - hindi bilang kasintahan kundi bilang matalik na kaibigan.
Paano ba nagsimula?
Unang taon ko sa hayskul. Excited. Yan ang nararamdaman ko noon. Kapag tumuntong ka kasi daw ng hayskul, tigasin ka na. Hindi ka na "nene" at "totoy" na walang ginawa kundi makipaglaro ng takbuhan at langit-lupa sa mga kaibigan mo...
First day high. Magkakasama kami ng mga barkada ko nung unang araw namin. Palingon-lingon ako at tinitingnan ko kung may bago sa mga kaklase ko. May ilan na bago. Yes! sabi ko sa sarili ko. Hindi ko alam kung bakit kapag may bago akong kaklase ay wala akong ginawa kundi magpakitang-gilas. Siguro sadyang papansin lang ako, o talagang trip na trip ko lang na sa unang araw nila... ako ang tatatak sa isipan nila. (haha!)
So ayun na nga. First day. Isa si KRAM sa mga bago kong kaklase. May kakaiba akong naramdaman noong una kaming nagkausap. Instant crush ng bayan itong si Mark. Cute naman kasi siya talaga, galing pa siya ng Pilipinas kaya sumikat siya talaga agad. Macharisma, malambing, makulit, at higit sa lahat matalino - ganyan si Mark. Hindi ko lubos maisip na magiging malapit kami sa isa't isa pero siguro talagang tinadhana kami para sa isa't isa dahil umpisa palang nag-click na agad kami. Magkasunod pa kami ng kaarawan, Feb. 9 siya at ako naman ay Feb.10. "Pareho kaming Aquarius... match made in heaven talaga kami!" lagi kong sabi sa sarili ko.
Lumipas ang mga araw at ang paghanga ko ay unti-unting nawawala dahil mas lumalalim ang aming pagkakaibigan. Tinuring ko siyang pinaka-matalik kong kaibigan noong 1st year kami. Lahat ng sikreto ko ay alam niya, lahat ng mga pinakatinatago niyang paghanga sa mga kaibigan namin ay alam ko din. Masasabing lumagpas na ako sa stage na "crush ko siya" at naging "best friend ko na sya". Masaya naman ako na ganoon. Kapag lunch at break kami ang magkasama. Kapag may mga takdang-aralin, kaming dalawa ang nagtutulungan. Magaling siya sa Math, magaling ako sa Filipino at English. Tag-team kami kumbaga. Kopyahan ng homework, hati sa lunch, pati nga inumin namin hati pa kami, halos lahat ng bagay pinagsasaluhan namin ng sabay. Madalas pa kaming inaasar ng mga guro namin na daig pa daw namin ang mag-boyfriend sa sobrang dikit namin. Hindi ko inanda ang asaran dahil sa isip ko, "kaibigan ko siya at hindi ko kayang mawala ang pagkakaibigan namin kapag umibig ako sa kanya." Nagpatuloy ang aming closeness at sa bawat pagdaan ng araw ay tunay ngang mas napapalapit kami sa isa't isa. Buong taon namin sa 1st year, kami ang magkasama.
Nang umakyat kami ng 2nd year, nanatili kaming matalik na magkaibigan. Parang wala na nga atang makakabuwag ng aming samahan. Ngunit biglang nagbago ang ihip ng hangin ng may dumating na bagong kaklase. Siya si Shane. Nag-click din kami ni Shane, sa totoo lang, naging mag-best friend din kami. Ngunit, sa aming pagiging malapit ay unti-unti kong nalalaman na nagiging malapit din sila ni Kram. At ang masaklap pa doon, nagugustuhan na siya ni Shane. Hindi ko maintindihan bakit may kirot akong nararamdaman noon. Sabi ko nga, ano ba ito.. umiibig na ba ako? Binalewala ko ang aking nararamdaman at nagpatuloy akong maging kaibigan lang ni Mark. Hanggang sa kalagitnaan ng taon, may isang pangyayari na nakapagpabago ng aming buhay.
Ang Pag-amin
Hindi ko akalain na darating ang araw na iyon. Tandang tanda ko pa. Kakatapos lang ng klase at hinatak ako ng isa naming kaklase. Ly, sumama ka sakin. May gagawin tayo. Sama naman ako. Pagdating namin sa gym, andoon si Mark. Nakatayo. Lumapit siya sakin at hinawakan ang kamay ko. Nagtapat siya ng kanyang nararamdaman. Nagulo ang utak ko. Bumilis ang tibok ng puso ko. Parang gusto kong sumigaw sa tuwa, pero gusto kong umiyak sa takot. Tuwa dahil eto na, mahal na niya ko... Takot dahil kapag hindi kami nagkatuluyan masisira ang aming pinagsamahan.
Kinabukasan, imbis na samahan ko siya... iniwasan ko siya. Dumaan ang mga araw at linggo at iniwasan ko siya talaga. Ni tingnan siya sa mata hindi ko magawa. Dumating na nga ang kinakatakutan ko... napalayo kami sa isa't isa. Nasaktan ako talaga. Hindi ko maintindihan bakit kailangan naming magkalayo ng ganoon. Masaya naman kaming magkaibigan lang... bakit pa kailangang may maramdaman kami para sa isa't isa???
Pagkalipas ng ilang buwan, nagkaroon kami ng pagkakataong magkausap ng masinsinan. Humingi siya ng tawad. Nais niyang ibalik namin ang aming dating samahan. Kasama ng pag-uusap na iyon ang isang liham. Ang liham na hanggang ngayon ay pinakainiingatan ko at inaalagaan ko. Nagyakap kami at nangakong kakalimutan ang mga mapapait na nangyari at magsisimulang muli.
Masaya ako na makalipas ang siyam na taon, kami'y magkaibigan parin ni Mark. Kapwa na kaming may karelasyon ngayon, at tunay ngang masasabi kong nanaig parin ang aming pinagsamahan noong hayskul. Hindi man kami nagkatuluyan, patuloy ko siyang mamahalin. Sa kanya ko unang naranasang magmahal na walang hinihinging kapalit. Sa kanya ko unang naramdaman na mahalaga at espesyal ako...
Salamat sa iyo, kaibigan :)
No comments:
Post a Comment