Walong taon na ang lumipas nang huli akong napadpad ng Jeddah, Saudi Arabia. Sa loob ng labing-tatlong taon, sa lugar na ito umikot ang buhay ko. Ang hirap iwanan ang lugar na napamahal na sayo, nabahiran ako ng takot at lungkot ng nalaman kong tuluyan ko ng lilisanin ang lugar na tinuring kong tahanan sa mahabang panahon...
Al Hekma International School |
Jeddah. Sa totoo lang kung ikaw yung tipong mahilig gumala at magsaya, hindi ito ang lugar para sayo. Matuturing ang Jeddah bilang isa sa mga pinaka-mahigpit na siyudad sa buong mundo. Ang mga babae ay hindi maaaring lumabas ng basta-basta, limang beses sa isang araw kung magdasal at magsara ang mga tindahan dahil sa "sala" (ang tawag sa pagdadasal ng mga Muslim), napakadaming check point, hindi ka pwedeng sumakay ng taxi mag-isa, ang daming bawal kainin, bawal ang kahit na anong uri ng alak, bawal ang shorts at sleeveless, walang dyip o kahit na anong public transportation, walang park na pwede mong tambayan, walang sine, at marami pang iba...
Sa lugar na ito ako nag-aral mula kinder hanggang 2nd year high school. Nakakilala ako ng mga kaibigang tunay ngang kahit matagal na kaming hindi nagkakasama-sama, masasabing ang aming samahan ay walang kapantay. Sabi nga, absence makes the heart grow fonder. Naniniwala ako dito dahil napatunayan ko ng sila ang mga tipo ng kaibigan na hindi mo kailangang nakakausap araw-araw, sila yung tipong kahit taon na ang binibilang, kapag kailangan mo... sila'y andyan at handa kang damayan.
Hayskul sa AHIS
Naging masaya ang aking dalawang taon sa hayskul sa Al Hekma. Marami akong naging best friends at ilan lang sakanila ay sina Marisse, Melai, Shane, Maggie, Jina, JR, at Mark. Noong panahon namin, pag mas madami kang best friends, mas sikat ka (hahaha!) Kahit di masyadong close, "best" parin ang tawagan niyo. Siyempre ngayon, hindi na ganoon. Isa lang, solve na. Hindi na natin kailangan ng sandamakmak na best friend, isang tunay na kaibigan lang... tapos na ang problema at masaya na.
Nauso rin sa amin ang house party, dahil nga bawal kaming gumala sa mga malls sa Jeddah... natripan namin ang gumala sa mga compound at villages ng isa't isa. Kailangan kada-weekend may lakad o gala kami. Madalas kaming tumatambay sa compound namin (King Abdul-aziz Compound) dahil maraming magagawa. Malaki ang play ground, may swimming pool, may basket ball court, may park, lahat ng hahanapin mo pagdating sa recreation andoon. Sa mga galang ito rin namumuo ang mga hindi inaasahang pagtitinginan sa aming barkadahan. Magkakabarkada man kami, hindi naiiwasan ang magkagusto din kami sa isa't isa. Kids, that's what they say. Crush ko ngayon, crush niya bukas, boy friend ng iba next week. Ganyan ang labanan. Halos lahat ng boys naging crush mo na, tumatagal lang ang paghangang ito ng isang linggo pinaka-matagal na ang dalawang buwan (haha!)
Ako, bilang mag-aaral
Kahit makulit at maloko ako noong bata ako, inaamin kong masinop at mahilig akong mag-aral. Sa Al Hekma ako natutong magpursigi sa pag-aaral at tunay ngang natuto akong maging palaban. Sa tulong ng aking mga mabubuti at mahuhusay na guro, tunay ngang minahal ko ang pag-aaral. Sinisiguro ko rin na hindi ako magpapatalo sa mga kaklase ko pagdating sa academics at extra-curricular activities. Hindi ako pwedeng maiwan sa ere. Ni hindi ko naisip na darating ang araw na iiwan ko ang tugatog ng tagumpay.
Tumakbo ako bilang Student Council PRO noong 2nd year ako at infairness, nanalo naman ako (haha!) May banda rin ako noon, ang MoMeNTuM... ako ang lead vocalist noon (believe it? believe it! haha). Lahat ng activities kasama kami, pati mga battle of the bands lahat iyon sinalihan namin, hindi nga lang kami nananalo pero masaya parin ako dahil hindi noon mapapantayan ang bonding na nabuo namin sa lahat ng araw na nagppractice kaming magkakabanda.
Marami akong masasayang alaalala noong hayskul ako sa Jeddah. Ang taon-taong PROM na kung nasa Pilipinas ka ay pang-3rd at 4th year lang. Ang mga masasayang field trip, foundation day, family day, sports fest, buwan ng wika, United Nations Day... lahat ng mga selebrasyon ay tunay ngang pinaghahandaan ng bawat isa sa Al Hekma, guro ka man o mag-aaral.
Ang paglisan sa tinuring mong pangalawang tahanan...
Tunay ngang napaka-simple lang ng buhay sa Jeddah, parang kapag andoon ka, iisipin mo na hindi mabigat ang buhay. Basta andun ang pamilya't mga kaibigan, mabubuhay ka. Akala ko ang buhay ay ganoon lang. Hindi ko alam na pag-uwi ko sa Pilipinas, isang malaking hamon ang haharapin ko.
Natakot ako ng unang sinabi ng mga magulang ko na iuuwi ako sa Pilipinas. Hindi ko alam kung anong aasahan ko dito. Paano ako? Mag-uumpisa ulit ako sa umpisa. Maghahanap ng mga bagong kaibigan, makikisama at susubukang bumangon muli. Nagalit ako noong una, dahil kontento na ko sa buhay ko sa Jeddah bakit kailangan nila akong ilayo sa mga taong mahal ko... ang mga taong akala ko makakasama ko hanggang sa matapos ko ang hayskul. Ngunit sabi nga nila, some good things never last. Kailangan ko ng tanggapin ang katotohanan na kailangan ko ng umuwi ng Pilipinas.
Sa aking pag-uwi, bitbit ko ang pag-asa na nawa'y makahanap ako ng mga taong mamahalin ako kagaya ng pagmamahal na binigay sakin ng mga kaibigan ko sa Jeddah. Hindi naman ako nagkamali, dahil sa aking pag-uwi dito... nakilala ko ang mga kaibigan na tunay ngang masasabi kong kasama ko sa hirap at ginhawa. Ang mga kaibigan na hindi ako iniwan kahit ako na mismo ang nang-iwan sa kanila. Ang mga kaibigan na minahal at tinanggap ako bilang AKO na walang hinihinging kapalit. Sila naman ang bida sa susunod kong blog. (Abangan :>)
Habang sinusulat ko ito, hindi ko mapigilang di magbalik tanaw sa mga masasaya at mapapait na alaalala ng nakaraan. Mahigit sampung taon na ang nakalipas, ngunit ang alaalala ng Jeddah ay patuloy na nakatanim sa aking puso't isipan. Hindi natin dapat kalimutan ang ating pinagmulan. Ito ang bumuo ng ating pagkatao. Sa Jeddah ako natutong makipagsapalaran at dito rin ako natutong magmahal. Hinding hindi ko ito makakalimutan, at kung bibigyan man ako ng pagkakataon na ulitin ang mga pangyayari sa buhay ko... isa ang Jeddah sa babalik-balikan ko. :)
Nicely narrated and written Ly, while i was reading this i can't stop my tears fall...I miss our days in Jeddah, and truly it's a second home...
ReplyDeletesalamat kuya! :) writing is my passion and it's been awhile since i last wrote something sensible as this. :) thank you for appreciating! I miss Jeddah as well. It is definitely HOME for most of us who grew up there :)
ReplyDelete