Tuesday, February 15, 2011

Aking guro, Maraming Salamat!


The teacher who is indeed wise does not bid you to enter the house of his wisdom but rather leads you to the threshold of your mind.  ~Kahlil Gibran

Maraming Salamat!

Ni sa hinagap, hindi ko naisip na ako ay magiging guro. Malayo sa aking pangarap ang pagtuturo. Una, mainipin ako at mabilis mairita. Pangalawa, CLASSROOM MANAGEMENT. Ano ba ang alam ko sa pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa isang silid-aralan? Hindi ko ito naiintindihan dati. Sabi ko pa nga, hinding hindi ako magiging guro dahil hindi ko kakayanin ang STRESS na idudulot nito sa aking kabuuang pagkatao.  

Hindi naman ako nagkamali. Nang pinasok ko ang pagtuturo, hinanda ko na ang sarili ko sa gulo at ingay ng mga estudyante ko... sa mga pasaring at reklamo, sa mga pagmamaldita at pag-kukumpara... lahat ito, pinilit kong tanggapin dahil tinanggap ko ang hamon ng pagtuturo. Ngunit kung iniisip niyo na ang pagtuturo ay puro hirap at STRESS, pwes! nagkakamali kayo. Ang pagiging guro ang isa sa mga pinaka-tinitingalang propesyon at kung wala kami... malamang sa malamang maraming buhay na ang napariwara at napunta lang sa wala. Isa itong propesyon na hindi kayang bilhin ng kahit na anong halaga, ng kahit na sinong sikat na tao. Ang mga ngiti at saya na naibibigay mo sa mga bata sa tuwing ikaw ay papasok ng klasrum nila - priceless. Ang simpleng liham na nagsasabing Maraming Salamat Guro, mahal kita - walang makakapantay. Hindi ko ata kakayaning iwan ang propesyon na ito. Isang taon palang akong nagtuturo pero alam ko na sa kaloob-looban ko, ito na ang propesyon na gugustuhin ko hanggang sa tumanda ako.


Ang blog na ito ay pagpupugay sa lahat ng guro, magmula sa mga naging guro ko hanggang sa mga kapwa ko guro na sina: Rachel Valencia, Julie Anne Dionisio, Andrew Quisumbing, Chris Tarroza, Yuan Anot, Phil Alcantara, Junji Cruz, Bro. Ernie Singson, Ms. Adona Banguis, Lian Carpio, Sir Zen Santos, Ziegrey Balota, Theresa Hernandez, Arlene Alfonso, T. Mhae at lahat ng elementary teachers, T.Amy at lahat ng Casa teachers, at Sir Bob at lahat ng SPED/Resource teachers, - Happy Teachers Day po sa inyo :) Lahat po kayo ay nagsilbing pagpapapala at inspirasyon sa maraming bata. Salamat :)

Maraming salamat sa aking mga naging guro. Tunay ngang kayo ang naghulma sa aking pagkatao para marating ko ang lugar na kinararatnan ko ngayon. Hayaan niyo na sa araw na ito, KAYO ang bida ko :)

Al Hekma International School, Jeddah

Umpisahan natin sa mga guro ko sa Jeddah. Ang aming pinakamamahal na Principal, Maam Belma Regis. Maam, you don't know how proud I am to be part of Al Hekma International School. You served as an inspiration to all your students and for that I want to thank YOU :)  With Al Hekma, I was able to show the best of my abilities and all my hard work was always rewarded. I will never forget the learnings and teaching that each and every teacher have taught me. It made me who I am right now.

Nais ko ding pasalamatan ang ilan sa mga naging guro ko sa Al Hekma. Magmula kay Mrs. Jennifer Cheng, ang aking English teacher noong 1st year High school ako. Maam, hindi niyo po alam kung paano ko kayo hinangaan sa husay niyo po sa pagsasalita at pagtuturo ng English. Kayo po ang paborito kong English teacher :) Thank you for inspiring me to do my best and I am indeed a fan. :)

Kay Mrs. Jo Labto, ang aking Adviser noong 2nd year :) Hindi man po tayo nakapag-usap na mula noong ako'y lumisan ng Jeddah, hanggang ngayon naaalala ko parin ang mga tinuro niyo sa akin lalo na sa computer :)

Kay Mrs. May Delmo, ang aking napakacute na Science teacher! Sa inyo po ako unang umiyak sa hirap ng mga exams namin noon. Pero dahil po sainyo, nagpursigi akong mag-aral pa ng maigi para mapanatili ang aking mga grado :)

Kay Mrs. Alzate, ang aking Filipino teacher. Maam Alzate, isa po kayo sa dahilan kung bakit nag-1st honor ako noong 2nd year.. dahil po sa mataas na gradong nakuha ko sa Filipino. Minahal ko po ang Florante at Laura dahil po sainyo :) Salamat po Maam!

Kay Mrs. Anna Catubig, ang aking P.E.H.M teacher! Ma'am pasensya na po, alam kong hindi po ako sports minded. Pero salamat po at pinagtiyagaan niyo po ako turuan lalo na pag sports na ang pinag-uusapan :))

Kay Mrs. Laila Basas. Sino ba ang hindi makakaalala kay Maam Basas. Ang aking teacher at tutor sa Algebra. Dahil po sainyo, natuto po akong mag-algebra. Kahit hirap na hirap ako sa Math, pinadali niyo po ang buhay namin dahil sa husay niyo pong magturo. :)

Kay Mrs. Nina Salunga. Ang aking grade-6 adviser! Tunay pong napaka-bait niyo po sa akin at nagpapasalamat po ako dahil hindi ko makakalimutan na kayo rin po ang nagtutor sa akin lalo na noong bumababa ang grades ko sa MATH :)

Sa lahat ng aking naging guro sa AHIS, Maraming maraming salamat po. Nakalimutan ko man po ang ilan sa inyo, hindi ko po makakalimutan ang mga tinuro niyo sa akin. :) Kadikit na ito ng aking pagkatao. :) Salamat, aking mga guro, Mahal ko po kayo :)

Ann Arbor Montessori Learning Center

Ngayon naman, isang pagpugay sa aking mga naging guro sa Ann Arbor Montessori Learning Center. 3rd year na ako ng pumasok ng AAM, inaamin ko na nag-adjust talaga ako sa klase ng pagtuturo ng mga guro ko dito. Hinahanap-hanap ko ang mga guro ko sa Jeddah noon. Pero... hindi naman nagpahuli ang mga guro ko sa AAM, tunay ngang sila'y mahuhusay at mababait din.

Umpisahan natin sa aming HS Principal noon at ngayo'y VP na ng school: Dra. Anne Marie Carpio. Si Dra. ang nag-nominate sa akin kasama ng iba kong mga kaklase na makasali sa GYLC (Global Young Leader's Conference). Hinding-hindi ko makakalimutan ang kanyang pag-encourage sa aming honor students na mag-aral at magsikap pa para marating namin ang aming mga pangarap.

Kay Dr. Edmar Orata. Doc Ed, ang aking Geometry, Chemistry, at Calculus teacher. Tunay ngang, maiwan mo na ang lahat wag lang ang MATH CALCU, MATH NOTEBOOK, AT MATH BOOK MO. Isama mo narin ang sandamakmak na yellow paper! :)) Hinding hindi ko makakalimutan ang mga contest sa Chem, ang mga matitinding pagsusulit sa Geom at ang mga kung ano-anong symbol gaya ng syn, cos, tan (etc) sa Calculus! Tunay ngang sakit sa ulo ang Math para sa akin, pero minahal ko ang subject na ito dahil kay Doc. Hindi lang siya mahusay na guro, mabait at nakakatawang guro pa si Doc. Mahilig siyang makipag-biruan sa amin at hanggang ngayon, na kasama ko na siya sa Faculty... hindi nawala ang kanyang pagiging malambing at mapag-biro. Tunay ngang si Doc Ed ang paborito kong guro noong hayskul. Hindi mapapantayan ang kanyang husay sa MATH at ang husay nya sa pag-handle ng mga klase niya. Salamat Doc Ed, mahal kita :)

Kay Ms. Estelita Pineda. I've always looked up on you and I want you to know that I admire you so much because truly you have been a great teacher to me and to all your students. I want you to know that the lessons that you taught us in technical writing helped me alot in college. I want you to know that I sincerely love you Ms. and even if there are times that we argue, please don't forget that I respect you so much and I will always follow your lead as my head and as my mentor. I love you ms. P. thank you for everything :)

Kay Sir Felix Gregorio :) Ang aking tatay! Tay, naku, kung alam mo lang kung paano mo ko pinahirapan noong hayskul! Jusko, naloka ako sa dami ng duck walk na ginawa ko dahil ang tigas ng ulo ko sa CAT at ilang bola ang sinubukan kong i-shoot dahil sa basketball! Yung tipong lahat sila nag-rerecess na, tayo naglalaro parin dahil hindi ko ma-shoot shoot ang bola! HAYYYY tay! terror ka talaga noon! :)) Ngunit, sa kabila ng pagiging istricto ni tatay felix, napaka-bait niya sa amin. Mahal na mahal niya ang section Faraday at Socrates. Siya ang certified Tatay ng lahat. Wala ng iba pang aangkin ng trono niya. Kanyang kanya na yun. haha! Salamat Tay dahil hanggang ngayon, kasama parin kita sa AAM. Maraming nagmamahal sayo dahil napakabuti mong guro sa mga estudyante mo. Mahal kita :)

Kay Sir Ian De Guzman. Si cutie boy :) Certified guwapo si sir Ian. Certified talino rin sa Physics. Pinaluha at pinaiyak mo ang karamihan sa amin sa hirap ng mga problems na pinapasolve mo! :) Salamat po dahil sa inyo pinilit kong intindihin ang napakahirap na subject - Ang Physics.

Kay Sir Paul Dorotheo. Hindi ko makakalimutan ang mahahabang notes sa Computer at ang mga flash na pinapagawa niyo sa amin noon. Friendster pa ang binubuksan namin noon pag tapos na ang aming activities. Thank you Sir Paul for being such a great teacher to us and a great colleague as well.

Kay Ms. Let Let Albaniel. I loved Economics because of you. :) You always made things easier for us. Economic terms, demand and supply... lahat ng ito ay dumadali dahil po sainyo. Thank you Ms. Let! I hope that you stay happy and in love with your family in the States :)

Nakalimutan ko man  banggitin ang iba kong guro, nasa puso ko po kayo at hindi ko makakalimutan ang inyong mga tinuro sa akin. :) Salamat po muli! Binuhay ninyo ang mangmang kong isip :) Salamat :)

De La Salle University - Manila

At panghuli, ang aking mga propesor sa Unibersidad ng De La Salle. Hindi ko man madalas na nakabonding ang aking mga propesor sa DLSU dahil ibang-iba ang istilo ng klase sa kolehiyo, may mga propesor na tumatak sa aking isip at puso dahil sa mga itinuro nila sa akin. :)

Kay Ginoong Winton Ynion. Si Sir Ynion ang aking adviser sa tesis noong kolehiyo ako. Isa siyang mahusay na manunulat, guro, at kaibigan sa marami. Hindi niya inanda ang dami ng mga tinutulungan niya sa tesis, basta sa kanya, magawa namin ng tama ang aming trabaho. Siya ang naniwala sa akin noong mababa ang markang nakuha ko sa una kong defense. Binigyan niya ko ng pagkakataon na baguhin ang aking tesis at pagbutihin pa ito. Salamat Sir Winton, nasaan man po kayo ngayon, mahal na mahal ko po kayo. Hindi ko makakalimutan ang lahat ng mga bonding moments natin sa Gloria Jeans Cubao na inaabot tayo ng ala-una ng umaga sa pagrerevise ng tesis. Hindi mo man mababasa ito, sana alam niyo na hinahangaan ko po kayo. Salamat sir at alam kong kasama mo na ang Panginoon ngayon :) Rest in peace sir Winton, I love you. :)

Kulang ang salita...

Hindi sapat ang blog na ito para pasalamatan ko ang mga gurong nagtiyaga at minahal ako. Magmula noong kinder ako hanggang sa kolehiyo... lahat sila ay nagbigay ng mahahalagang impormasyon at leksyon sa akin. Nawa'y sa Araw ng mga Guro, kayo ang maging bida. Hindi ko man kayo madalas na nakakasama at nakakausap, masaya ako na naging estudyante niyo po ako. Muli, binuhay niyo ang mangmang kong isip at ang musmos kong kaisipan. Aking mga guro, Maraming maraming salamat po :)

Nagmamahal, Ly Agoncillo <3
The best teachers teach from the heart, not from the book.  ~Author Unknown

Monday, February 14, 2011

Jeddah: Isang Pagbabalik Tanaw

Walong taon na ang lumipas nang huli akong napadpad ng Jeddah, Saudi Arabia. Sa loob ng labing-tatlong taon, sa lugar na ito umikot ang buhay ko. Ang hirap iwanan ang lugar na napamahal na sayo, nabahiran ako ng takot at lungkot ng nalaman kong tuluyan ko ng lilisanin ang lugar na tinuring kong tahanan sa mahabang panahon...


Al Hekma International School




Jeddah. Sa totoo lang kung ikaw yung tipong mahilig gumala at magsaya, hindi ito ang lugar para sayo. Matuturing ang Jeddah bilang isa sa mga pinaka-mahigpit na siyudad sa buong mundo. Ang mga babae ay hindi maaaring lumabas ng basta-basta, limang beses sa isang araw kung magdasal at magsara ang mga tindahan dahil sa "sala" (ang tawag sa pagdadasal ng mga Muslim), napakadaming check point, hindi ka pwedeng sumakay ng taxi mag-isa, ang daming bawal kainin, bawal ang kahit na anong uri ng alak, bawal ang shorts at sleeveless, walang dyip o kahit na anong public transportation, walang park na pwede mong tambayan, walang sine, at marami pang iba...

Sa lugar na ito ako nag-aral mula kinder hanggang 2nd year high school. Nakakilala ako ng mga kaibigang tunay ngang kahit matagal na kaming hindi nagkakasama-sama, masasabing ang aming samahan ay walang kapantay. Sabi nga, absence makes the heart grow fonder. Naniniwala ako dito dahil napatunayan ko ng sila ang mga tipo ng kaibigan na hindi mo kailangang nakakausap araw-araw, sila yung tipong kahit taon na ang binibilang, kapag kailangan mo... sila'y andyan at handa kang damayan.





Hayskul sa AHIS

Naging masaya ang aking dalawang taon sa hayskul sa Al Hekma. Marami akong naging best friends at ilan lang sakanila ay sina Marisse, Melai, Shane, Maggie, Jina, JR, at Mark. Noong panahon namin, pag mas madami kang best friends, mas sikat ka (hahaha!) Kahit di masyadong close, "best" parin ang tawagan niyo. Siyempre ngayon, hindi na ganoon. Isa lang, solve na. Hindi na natin kailangan ng sandamakmak na best friend, isang tunay na kaibigan lang... tapos na ang problema at masaya na.

Nauso rin sa amin ang house party, dahil nga bawal kaming gumala sa mga malls sa Jeddah... natripan namin ang gumala sa mga compound at villages ng isa't isa. Kailangan kada-weekend may lakad o gala kami. Madalas kaming tumatambay sa compound namin (King Abdul-aziz Compound) dahil maraming magagawa. Malaki ang play ground, may swimming pool, may basket ball court, may park, lahat ng hahanapin mo pagdating sa recreation andoon. Sa mga galang ito rin namumuo ang mga hindi inaasahang pagtitinginan sa aming barkadahan. Magkakabarkada man kami, hindi naiiwasan ang magkagusto din kami sa isa't isa. Kids, that's what they say. Crush ko ngayon, crush niya bukas, boy friend ng iba next week. Ganyan ang labanan. Halos lahat ng boys naging crush mo na, tumatagal lang ang paghangang ito ng isang linggo pinaka-matagal na ang dalawang buwan (haha!)

Ako, bilang mag-aaral

Kahit makulit at maloko ako noong bata ako, inaamin kong masinop at mahilig akong mag-aral. Sa Al Hekma ako natutong magpursigi sa pag-aaral at tunay ngang natuto akong maging palaban. Sa tulong ng aking mga mabubuti at mahuhusay na guro, tunay ngang minahal ko ang pag-aaral. Sinisiguro ko rin na hindi ako magpapatalo sa mga kaklase ko pagdating sa academics at extra-curricular activities. Hindi ako pwedeng maiwan sa ere. Ni hindi ko naisip na darating ang araw na iiwan ko ang tugatog ng tagumpay.

Tumakbo ako bilang Student Council PRO noong 2nd year ako at infairness, nanalo naman ako (haha!) May banda rin ako noon, ang MoMeNTuM... ako ang lead vocalist noon (believe it? believe it! haha). Lahat ng activities kasama kami, pati mga battle of the bands lahat iyon sinalihan namin, hindi nga lang kami nananalo pero masaya parin ako dahil hindi noon mapapantayan ang bonding na nabuo namin sa lahat ng araw na nagppractice kaming magkakabanda.

Marami akong masasayang alaalala noong hayskul ako sa Jeddah. Ang taon-taong PROM na kung nasa Pilipinas ka ay pang-3rd at 4th year lang. Ang mga masasayang field trip, foundation day, family day, sports fest, buwan ng wika, United Nations Day... lahat ng mga selebrasyon ay tunay ngang pinaghahandaan ng bawat isa sa Al Hekma, guro ka man o mag-aaral.

Ang paglisan sa tinuring mong pangalawang tahanan...

Tunay ngang napaka-simple lang ng buhay sa Jeddah, parang kapag andoon ka, iisipin mo na hindi mabigat ang buhay. Basta andun ang pamilya't mga kaibigan, mabubuhay ka. Akala ko ang buhay ay ganoon lang. Hindi ko alam na pag-uwi ko sa Pilipinas, isang malaking hamon ang haharapin ko.

Natakot ako ng unang sinabi ng mga magulang ko na iuuwi ako sa Pilipinas. Hindi ko alam kung anong aasahan ko dito. Paano ako? Mag-uumpisa ulit ako sa umpisa. Maghahanap ng mga bagong kaibigan, makikisama at susubukang bumangon muli. Nagalit ako noong una, dahil kontento na ko sa buhay ko sa Jeddah bakit kailangan nila akong ilayo sa mga taong mahal ko... ang mga taong akala ko makakasama ko hanggang sa matapos ko ang hayskul. Ngunit sabi nga nila, some good things never last. Kailangan ko ng tanggapin ang katotohanan na kailangan ko ng umuwi ng Pilipinas.

Sa aking pag-uwi, bitbit ko ang pag-asa na nawa'y makahanap ako ng mga taong mamahalin ako kagaya ng pagmamahal na binigay sakin ng mga kaibigan ko sa Jeddah. Hindi naman ako nagkamali, dahil sa aking pag-uwi dito... nakilala ko ang mga kaibigan na tunay ngang masasabi kong kasama ko sa hirap at ginhawa. Ang mga kaibigan na hindi ako iniwan kahit ako na mismo ang nang-iwan sa kanila. Ang mga kaibigan na minahal at tinanggap ako bilang AKO na walang hinihinging kapalit. Sila naman ang bida sa susunod kong blog. (Abangan :>)

Habang sinusulat ko ito, hindi ko mapigilang di magbalik tanaw sa mga masasaya at mapapait na alaalala ng nakaraan. Mahigit sampung taon na ang nakalipas, ngunit ang alaalala ng Jeddah ay patuloy na nakatanim sa aking puso't isipan. Hindi natin dapat kalimutan ang ating pinagmulan. Ito ang bumuo ng ating pagkatao. Sa Jeddah ako natutong makipagsapalaran at dito rin ako natutong magmahal. Hinding hindi ko ito makakalimutan, at kung bibigyan man ako ng pagkakataon na ulitin ang mga pangyayari sa buhay ko... isa ang Jeddah sa babalik-balikan ko. :)


Sunday, February 13, 2011

ang unang pagsibol ng pag-ibig

Puppy love. Young love. First love.

Nakakatawang isipin at balikan ang alaala ng unang pag-ibig. Ewan ko nga ba kung bakit pero may kakaibang saya at kilig ang dinadala nito kapag naaalala mo. Sabi nga nila, first love never dies. Para sa akin totoo ito, hindi man kami nagkatuluyan, hanggang ngayon, minamahal ko parin siya - hindi bilang kasintahan kundi bilang matalik na kaibigan.

Paano ba nagsimula?

Unang taon ko sa hayskul. Excited. Yan ang nararamdaman ko noon. Kapag tumuntong ka kasi daw ng hayskul, tigasin ka na. Hindi ka na "nene" at "totoy" na walang ginawa kundi makipaglaro ng takbuhan at langit-lupa sa mga kaibigan mo...

First day high. Magkakasama kami ng mga barkada ko nung unang araw namin. Palingon-lingon ako at tinitingnan ko kung may bago sa mga kaklase ko. May ilan na bago. Yes! sabi ko sa sarili ko. Hindi ko alam kung bakit kapag may bago akong kaklase ay wala akong ginawa kundi magpakitang-gilas. Siguro sadyang papansin lang ako, o talagang trip na trip ko lang na sa unang araw nila... ako ang tatatak sa isipan nila. (haha!)

So ayun na nga. First day. Isa si KRAM sa mga bago kong kaklase. May kakaiba akong naramdaman noong una kaming nagkausap. Instant crush ng bayan itong si Mark. Cute naman kasi siya talaga, galing pa siya ng Pilipinas kaya sumikat siya talaga agad. Macharisma, malambing, makulit, at higit sa lahat matalino - ganyan si Mark. Hindi ko lubos maisip na magiging malapit kami sa isa't isa pero siguro talagang tinadhana kami para sa isa't isa dahil umpisa palang nag-click na agad kami. Magkasunod pa kami ng kaarawan, Feb. 9 siya at ako naman ay Feb.10. "Pareho kaming Aquarius... match made in heaven talaga kami!" lagi kong sabi sa sarili ko.

Lumipas ang mga araw at ang paghanga ko ay unti-unting nawawala dahil mas lumalalim ang aming pagkakaibigan. Tinuring ko siyang pinaka-matalik kong kaibigan noong 1st year kami. Lahat ng sikreto ko ay alam niya, lahat ng mga pinakatinatago niyang paghanga sa mga kaibigan namin ay alam ko din. Masasabing lumagpas na ako sa stage na "crush ko siya" at naging "best friend ko na sya". Masaya naman ako na ganoon. Kapag lunch at break kami ang magkasama. Kapag may mga takdang-aralin, kaming dalawa ang nagtutulungan. Magaling siya sa Math, magaling ako sa Filipino at English. Tag-team kami kumbaga. Kopyahan ng homework, hati sa lunch, pati nga inumin namin hati pa kami, halos lahat ng bagay pinagsasaluhan namin ng sabay. Madalas pa kaming inaasar ng mga guro namin na daig pa daw namin ang mag-boyfriend sa sobrang dikit namin. Hindi ko inanda ang asaran dahil sa isip ko, "kaibigan ko siya at hindi ko kayang mawala ang pagkakaibigan namin kapag umibig ako sa kanya." Nagpatuloy ang aming closeness at sa bawat pagdaan ng araw ay tunay ngang mas napapalapit kami sa isa't isa. Buong taon namin sa 1st year, kami ang magkasama.

Nang umakyat kami ng 2nd year, nanatili kaming matalik na magkaibigan. Parang wala na nga atang makakabuwag ng aming samahan. Ngunit biglang nagbago ang ihip ng hangin ng may dumating na bagong kaklase. Siya si Shane. Nag-click din kami ni Shane, sa totoo lang, naging mag-best friend din kami. Ngunit, sa aming pagiging malapit ay unti-unti kong nalalaman na nagiging malapit din sila ni Kram. At ang masaklap pa doon, nagugustuhan na siya ni Shane. Hindi ko maintindihan bakit may kirot akong nararamdaman noon. Sabi ko nga, ano ba ito.. umiibig na ba ako? Binalewala ko ang aking nararamdaman at nagpatuloy akong maging kaibigan lang ni Mark. Hanggang sa kalagitnaan ng taon, may isang pangyayari na nakapagpabago ng aming buhay.

Ang Pag-amin

Hindi ko akalain na darating ang araw na iyon. Tandang tanda ko pa. Kakatapos lang ng klase at hinatak ako ng isa naming kaklase. Ly, sumama ka sakin. May gagawin tayo. Sama naman ako. Pagdating namin sa gym, andoon si Mark. Nakatayo. Lumapit siya sakin at hinawakan ang kamay ko. Nagtapat siya ng kanyang nararamdaman. Nagulo ang utak ko. Bumilis ang tibok ng puso ko. Parang gusto kong sumigaw sa tuwa, pero gusto kong umiyak sa takot. Tuwa dahil eto na, mahal na niya ko... Takot dahil kapag hindi kami nagkatuluyan masisira ang aming pinagsamahan.

Kinabukasan, imbis na samahan ko siya... iniwasan ko siya. Dumaan ang mga araw at linggo at iniwasan ko siya talaga. Ni tingnan siya sa mata hindi ko magawa. Dumating na nga ang kinakatakutan ko... napalayo kami sa isa't isa. Nasaktan ako talaga. Hindi ko maintindihan bakit kailangan naming magkalayo ng ganoon. Masaya naman kaming magkaibigan lang... bakit pa kailangang may maramdaman kami para sa isa't isa???

Pagkalipas ng ilang buwan, nagkaroon kami ng pagkakataong magkausap ng masinsinan. Humingi siya ng tawad. Nais niyang ibalik namin ang aming dating samahan. Kasama ng pag-uusap na iyon ang isang liham. Ang liham na hanggang ngayon ay pinakainiingatan ko at inaalagaan ko. Nagyakap kami at nangakong kakalimutan ang mga mapapait na nangyari at magsisimulang muli.

Masaya ako na makalipas ang siyam na taon, kami'y magkaibigan parin ni Mark. Kapwa na kaming may karelasyon ngayon, at tunay ngang masasabi kong nanaig parin ang aming pinagsamahan noong hayskul. Hindi man kami nagkatuluyan, patuloy ko siyang mamahalin. Sa kanya ko unang naranasang magmahal na walang hinihinging kapalit. Sa kanya ko unang naramdaman na mahalaga at espesyal ako...

Salamat sa iyo, kaibigan :)

O Pag-ibig!

Love is patient, love is kind. It does not envy, it does not boast, it is not proud. It is not rude, it is not self-seeking, it is not easily angered, it keeps no record of wrongs. Love does not delight in evil but rejoices with the truth. It always protects, always trusts, always hopes, always perseveres. Love never fails."
1 Cor. 13: 4-8

Mahirap magmahal. Masakit. Magulo. Nakakatanda. Nakakairita. Nakakasira ng pagkakaibigan. Nakakalito. Nakapagtataka.

Iilan lamang yan sa mga madalas nating marinig na reklamo patungkol sa pag-ibig. Kung iisipin mo nga naman, maaaring totoo ang mga salitang ito. Maaaring ang pag-ibig ay masakit at magulo. Maaaring ito'y nakakasira ng samahan, maaaring ito'y nakakalito at tunay ngang ito'y isang palaisipan. Ngunit, hindi ba natin naiisip na ang tunay na pag-ibig ay hindi dapat masakit at mahirap. Dahil ang tunay na pag-ibig ay dapat na nagdadala sa atin ng kasiyahan at hinding hindi tayo dadalin kailanman sa kapahamakan.

Noong bata pa lamang ako, ang konsepto ko ng pag-ibig ay napakakitid. Ang alam ko lang, pag-ibig na kapag kinikilig ako at kapag humahanga ako. Ang alam ko lang, kapag parang bumabaligtad ang sikmura ko at bumibilis ang tibok ng puso ko, umiibig na ako. PERO HINDI PALA. Hindi pala iyon ang tunay na pag-ibig.

Naging mapusok ako sa paghahanap ng tunay na pagmamahal. Umasa na sa murang edad ay mahahanap ko iyon. Sabi nga sa Florante at Laura, hahamakin ang lahat masunod ka lamang. Totoo, at hindi naging madali ang aking paglalakbay. Ang aming paglalakbay ni Noel. Marami kaming sinuway na tao, maraming nasaktan, maraming nagalit. Pero dahil sa alam kong nagmamahal ako, wala akong pakialam. Kahit alam kong umiiyak at nasasaktan ang nanay ko sa mga pinaggagagawa ko, tinuloy ko ang aming relasyon. Kahit na nagkasira-sira kami ng mga kaibigan ko, tinuloy ko. Ganyan ako mag-isip... NOONG BATA PA AKO.

Kanina, habang nakikinig ako sa sermon ng pastor namin, hindi ko mapigilang maiyak at mag-isip. Napaka-makasarili ko pala. Minamahal ko lang ang sarili ko at hindi ko naisip na dapat mas minahal ko muna ang pamilya ko at higit sa lahat ang Diyos bago ako naghanap ng taong magmamahal sa akin.

Ngayon, masasasabi ko na sa sarili ko na natuto na ko. Ngayon, kaya ko ng ipagmalaki na ang taong pinili kong mahalin nung labing-limang gulang palang ako, ay siya paring taong pinili kong mahalin ngayon. Mahirap at magulo man ang aming pinagdaanan sa loob ng pitong taon, sa kabila ng aking pagiging pasaway, ginabayan at iningitan parin kami ng Maykapal.

Kaya sa araw ng mga puso, gusto ko lang ilahad sa lahat ng makakabasa nito na huwag tayong sumuko. Ang pag-ibig ay hindi sumusuko at ito ay patuloy na nakikipaglaban para sa katotohanan. Sa mga kabataan, huwag tayong magmadali. Huwag nating isipin na dahil ang lahat ay may kasintahan ay kailangan niyo naring magkaroon ng isa. Masarap mabuhay. Masarap magmahal. At ang pag-ibig na ito ay hindi lamang para sa kasintahan, bakit hindi nalang natin pagtuunan ng pansin ang ating mga magulang, ang ating mga kapatid, ang ating mga kaibigan at higit sa lahat ang ating Diyos? May iba't ibang mukha ang pag-ibig. Huwag tayong mag-ubos ng oras sa isang mukha lang. Maraming tao na naghahanap at nangangailangan ng ating pagmamahal at pag-aaruga. Mahalin natin sila habang sila'y andyan pa. Lalo't higit ang ating pamilya.

Sa huli, tayo'y patuloy na mangarap. Patuloy na magpasalamat sa lahat ng mga biyaya mula sa Maykapal. Patuloy na makipagsapalaran sa buhay. At patuloy na umibig.

Tandaan: ang araw ng mga puso ay hindi lamang ipinagdiriwang kada Pebrero 14 kundi sa lahat ng araw na dadaan sa ating buhay. :)


** Salamat Noel sa lahat ng araw na ikaw ang kasama ko. Salamat sa lahat ng masasayang araw na magkasama tayo. Salamat at kahit matigas ang ulo ko at madali akong nagagalit, minamahal at iniintindi mo parin ako. Mahal na mahal kita. Nang dahil sayo, alam ko na ngayon kung ano ang tunay na kahulugan ng salitang pagmamahal. :) **

"...And now these three remain: faith, hope and love. But the greatest of these is love." 1 Cor. 13:13