Wednesday, August 22, 2012

2 months in the desert!

Malapit na kong mag-dalawang buwan sa Gitnang Silangan bilang isang ganap na OFW, haha! Nakakaaliw isipin na tunay ngang kay bilis ng araw at ng oras. Siguro nga kung marami kang ginagawa talaga, hindi na napapansin na lumilipas nalang ang araw.. Mas pabor sakin 'yun, ibig sabihin sampung buwan nalang at uuwi na ko. Yes!! Haha! 


Realizations/Natutunan/Naobserbahan sa dalawang buwang pananalagi sa bundok:

1. Ang hirap maging independent. Palagi kong iniisip dati na ang saya siguro kung ako na ang may hawak ng buhay ko, kung ako na lahat ang kumikilos sa bahay, kung ako nalang ang nagggrocery, naglilinis, naglalaba, atbp. Pero ngayong solo nako at may sarili ng buhay sa bundok, mahirap din pala talaga. Pinagpala pa nga ako kasi andito ang aking ina para umagapay sakin at tulungan ako kapag may mga pangangailangan ako. Naisip ko, paano yung iba na walang kapamilya at mag-isa? Malungkot at mahirap. Challenge ang bawat araw na alam mong kailangan mong matutong tumayo sa sarili mong paa. Pero rewarding din at the same time kasi alam mong kahit nahihirapan ka, natututo ka parin in the long run. Sabi nga, Nothing worth having comes easy. Pinaghihirapan ang lahat ng bagay. Mas masaya sa pakiramdam na alam mong nakamit mo ang isang bagay dahil pinaghirapan mo ito. Kaya kahit mahirap, andun parin ang saya at ang patuloy na pasasalamat sa Kanya sa patuloy na paggabay sakin sa bundok. :) 

2. Pakikisama. Kasama sa pagiging independent ang pakikisama sa mga tao sa paligid mo. No man is an island, sabi nga nila. Lalo na't ang layo namin sa sibilisasyon, mahalaga ang marunong at matutong makisama sa mga kasama sa bahay at trabaho. Hindi pwedeng magmaldita at hindi rin pwedeng magmarunong kung ayaw mapaaway at mapag-tsismisan! Hehe! Ako ay blessed dahil ang mga kasama ko sa trabaho ay mababait sakin maging ang mga kasama ko sa bahay higit ang aking          room mate na si ate Luz. Pero ayun nga, kapag nasa ibayong lugar, mahlaga sa atin na dapat   marunong tayong makibagay, maki-adapt at manatiling mapagkumbaba at palangiti sa ating kapwa.  Kahit di mo kilala, ngiti lang. Bawal ang snob lalo na't bago pa lamang.                                                                 

3. Sacrifice. Kapag napunta ng Gitnang Silangan, marami tayong isasakripisyo. Dapat handang magtiis at handang magsakripisyo. Maraming bagay ang hindi magagawa ng mga normal na tao dito sa Jeddah at kailangan matibay ang loob at matutong labanan ang homesickness. Noong nakaraang linggo, naging matindi ang epekto ng homesickness sa akin at walang araw na di ako umiiyak o nalulungkot. Namimiss ko ang buhay ko sa Pinas, ang aking pamilya, mga kaibigan, at si Yuan. Maging ang mga alaga kong sina Hatchi at Patchi ay miss na miss ko. Umabot sa puntong kapag kachat ko sila, unti-unting nalilingid ang mga luha ko at sumasagi sa isipan kong "gusto ko ng umuwi". Ang hirap pala talaga kapag ikaw ang malayo. Akala ko dati madali lang, pero kapag ikaw na ang nasa sitwasyon, ang bigat pala sa loob. Pero hindi ako nagpatalo sa emosyon, at narealize kong kailangan kong maging matatag. It naman ay aking nalagpasan bungad narin ng matinding pananalangin at constant na pakikipag-usap sa mga taong mahal ko sa Pinas. 

4. Absence makes the heart grow fonder. Hindi magiging hadlang ang distansya sa dalawang pusong tunay na nagmamahalan. Kahit ang layo ko kay Yuan damang dama ko ang nag-uumapaw niyang pagmamahal. Yung tipong gigising ka sa umaga at nararamdaman mo ang pagmamahal. Yung ang dami mong kilig at ngiti kahit simpleng message lang naman ang natatanggap mo mula sakanya. Ang sarap palang magmahal kung alam mong ganun din yung love na sinusukli sayo ng taong mahal mo. Hindi to bola, hindi rin to kwentong barbero lang, alam ko at nararamdaman ko siya kahit milya milya ang layo ko sakanya. Nagpapasalamat ako sa Panginoon dahil binigay siya sakin. Alam kong magiging challenge ang isang taong magkalayo pero alam kong kayang kaya namin ito at malalagpasan namin ito ng sabay, basta kapit lang at magtiwala sa isa't isa at sa Diyos. 

5. Paano na kaya kung walang internet? Seryoso, naiisip ko yan. Haha! Kung wala siguro internet  ang lungkot lungkot ng buhay sa ibang bansa. Maraming salamat sa technology dahil parang ang lapit  ko kahit ang layo ko naman talaga. Ito ang nagsisilbing koneksyon ko sa mundo at lubos akong  nagagalak dahil nabuhay ako sa henerasyong ito kung saan ang bilis at ang daming paraan ng   pakikipag-usap sa mga taong mahal mo kahit na ako'y nasa ibang bansa.    

Tatapusin ko ang blog na ito sa isang panalangin ng pasasalamat sa Kanyang gabay at kabutihan sa aking dalawang buwang pamamalagi dito sa Jeddah: 

Ama,

Una po sa lahat ako po ay nagpapasalamat sa Inyong patuloy na paggabay sa akin at sa aking mga mahal sa buhay. Tunay nga pong mahirap at madaming pagsubok na darating sakin dito pero alam ko po na hindi nyo po ako iiwan o pababayaan. Hinihiling ko po ang inyong gabay at patnubay, ang karunungan na nanggagaling sa inyo at ang pusong matutong magtiis at  maghintay. Marami pa po akong kailangang matutunan, gabayan niyo po ako na nawa'y ang lahat ng desisyon ko ay naaayon sa inyong kagustuhan at salita. Kayo na po ang patuloy na gumabay sa aking relasyon, sa aking pamilya, at sa lahat ng mahal ko sa buhay. Alam ko pong walang imposible sa inyo. Salamat Panginoon, mahal ko po kayo. 

Amen. 

Thank You Lord. I love you. :)


Salamat sa patuloy na pagsubaybay sa aking blog. Kahit hindi ako madalas magsulat may nagbabasa parin. Hehe! 5,000 views!!! God bless!!



No comments:

Post a Comment